
Maaari nang muling manghuli ng ludong ang mga lisensyadong mangingisda matapos opisyal na magtapos ang 45-araw na closed season na ipinatupad simula Oktubre 1.
Alinsunod sa mga itinakdang regulasyon, pinapayagan na ang pangingisda sa nasabing uri ng isda basta’t susunod sa mga alituntunin, kabilang ang itinakdang tamang sukat.
Kilala ang ludong o Cestraeus goldiei bilang isa sa pinakabihira at pinakamahal na isda sa bansa dahil sa natatangi nitong lasa.
Matatagpuan ito sa mga pangunahing sistema ng ilog sa Hilagang Luzon, partikular sa Cagayan River at Abra River.
Taunang ipinapatupad ang closed season upang mabigyan ng panahon ang ludong na makapangitlog at mapanatili ang populasyon nito.
Patuloy namang hinihikayat ang mga mangingisda at publiko na sumunod sa mga batas-pangisdaan upang mapangalagaan ang naturang yamang-tubig.










