Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na nananatiling mababa ang banta ng pagbaha dulot ng pagdaan ni Bagyong Luis at pinalalakas na southwest monsoon o habagat, batay sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Cagayan PDRRMO Head Rueli Rapsing na bagama’t nakararanas ng panaka-nakang light rains ang lalawigan, hindi inaasahang magdudulot ito ng pag-apaw ng Cagayan River.

Ayon kay Rapsing, batay sa ulat ng DOST-PAGASA, hindi kalakihan ang dami ng ulan na inaasahang ibubuhos ng sama ng panahon.

Dagdag pa niya, nasa 165 meters above sea level lamang ang lebel ng tubig sa Magat Dam o below normal level, kaya may sapat pa itong kapasidad upang ma-absorb ang pag-ulang dala ng bagyo at habagat.

Sinabi rin ni Rapsing na nananatili sa 2.5 meters ang water level sa Bunton Water Gauge, malayo sa 6-meter alert level kung kailan nagsisimulang maapektuhan ng pagbaha ang ilang mabababang lugar sa lalawigan.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga lugar na posibleng bahain kapag umabot sa alert level ang tubig ay ang Pinakanawan-Kapatan Bridge, Teresa Boulevard, ilang bahagi ng Enrile, at mga mabababang lugar sa Amulung.

Gayunman, nilinaw niyang maaari pa ring magkaroon ng localized flooding sa ilang bayan kung hindi agad makadaloy ang tubig sa mga lokal na drainage at waterways, ngunit hindi ito direktang dulot ng pagtaas ng tubig sa Cagayan River.

Samantala, sinabi rin ni Rapsing na walang naitatalang impassable roads at bridges sa lalawigan batay sa mga ulat ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs).

Matapos ang isinagawang PDRA, itinaas sa Blue Alert ang status ng lalawigan at ipinatutupad na ang Bravo Emergency Response Protocol sa ilalim ng Oplan Ligtas, kung saan naka-on standby ang lahat ng disaster response personnel, kagamitan, at mga rescue assets ng pamahalaan.

Bagama’t inaasahang magiging kapaki-pakinabang ang mga pag-ulan sa pagdagdag ng suplay ng tubig matapos ang matagal na tagtuyot sa Region 2, sinabi ni Rapsing na patuloy pa ring magbabantay ang mga awtoridad sa lagay ng panahon, lalo na sa inaasahang paglapit ng isa pang sama ng panahon.

Pinayuhan naman ng PDRRMO ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga abiso ng DOST-PAGASA at mga lokal na pamahalaan para sa mga opisyal na anunsyo at kaukulang paghahanda.