
Dumating sa Pilipinas si Paraguay President Santiago Peña para sa kanyang official visit sa bansa mula Mayo 10 hanggang 11.
Sinalubong ang Paraguayan delegation sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Linggo ng hapon, galing Taipei, Taiwan kung saan nagsagawa rin siya ng hiwalay na official visit.
Ayon sa Malacañang, ito ang kauna-unahang presidential visit sa pagitan ng Pilipinas at Paraguay mula nang maitatag ang diplomatic relations ng dalawang bansa noong 1962.
Layunin ng pagbisita na palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, at agrikultura.
Nakatakdang isagawa sa Malacañang Palace ang opisyal na pagdiriwang at bilateral meeting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at Peña ngayong araw ng Lunes, kung saan inaasahang lalagdaan ang ilang kasunduan sa kooperasyon.
Inilarawan din ng Palasyo Malacañang ang Paraguay bilang isang “emerging partner” ng Pilipinas sa Latin America, na may iisang adhikain sa demokrasya, rule of law, at international cooperation.






