Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na pabilisin ang pagkumpleto ng mga nakabinbing infrastructure project sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, puspusan ang ginagawa ng pamahalaan upang matapos sa lalong madaling panahon ang mga proyektong pakikinabangan ng publiko.

Para anya sa Pangulo, kapag mabilis at maayos ang implementasyon, mas agad mararamdaman ng taumbayan ang benepisyo ng mga pampublikong proyekto.

Nagbigay naman ng ulat si DPWH Secretary Vince Dizon sa Pangulo hinggil sa kalagayan ng ilang major projects, kabilang ang Bukidnon–Davao Road na nakumpleto na ang repair works matapos masira noong nakaraang taon.

Natapos na rin ang pagkukumpuni sa sinkhole sa Kennon Road, gayundin ang pagsasaayos sa Apalit section ng McArthur Highway–Buhang Flyover sa Jaro, Iloilo.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang rehabilitasyon sa ilang bahagi ng Maharlika Highway sa Gumaca, Quezon; Samar; at Guinobatan, Albay, habang ang EDSA Rehabilitation Phase I ay nasa halos 50% nang kumpleto at target matapos sa Hunyo.

Iniulat din ang nalalapit na pagbubukas sa Marso ng temporary bridge connector na papalit sa Cabagan–Santa Maria Bridge sa Isabela para sa maliliit na sasakyan.

Samantala, binisita rin ang makeshift bridge sa Sitio Bongabong sa Oriental Mindoro na planong palitan ng mas matibay na tulay upang mapabuti ang pagtawid ng mga residente.