Isinusulong sa House of Representatives ang panukalang batas na magbibigay ng bigas, groceries o cash incentives sa mga kabahayan at organisasyong magsusuko ng mga recyclable na basura.

Sa ilalim ng House Bill No. 11146 o “Basura to Ayuda Act” na inihain ni Quezon City 5th District Representative Patrick Michael Vargas, maaaring ipagpalit ang mga hindi mapanganib na recyclable materials sa pagkain o pera.

Batay sa panukala, ang isang kilo ng recyclable plastic ay maaaring ipalit sa isang kilo ng commercial-quality rice o katumbas nitong halaga sa cash.

Samantala, ang isang kilo ng basurang metal ay maaaring ipalit sa dalawang kilo ng bigas o katumbas nitong cash.

Ayon kay Vargas, hinango ang panukala sa Trash to Cashback program ng Quezon City government, na nagbibigay ng gantimpala sa mga residenteng nakikilahok sa waste management initiatives.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim din ng panukala, inaatasang magtatag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ng mga pamantayang trade-in center at tiyaking pare-pareho ang halaga ng palitan sa iba’t ibang komunidad.