Sisikapin ng Senado na tuluyang aprubahan ngayong araw ang panukalang magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Bongbong Marcos para pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, aaprubahan nila ngayong gabi sa second reading ang panukala at kung posible ay ipapasa na rin nila ito sa ikatlo at huling pagbasa.

Kung walang amendments, tatanungin nila agad ang Kamara kung paper bicam na lang ang gagawin at kung i-a-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado o kung hihilingin ng Kamara na bersyon na lamang nila ang i-adopt.

Katunayan, isang probisyon lang naman aniya ang pagkakaiba ng bersyon ng Senado at Kamara kaya tiyak na madali lang itong mapag-uusapan.

Posibleng bukas ay maratipikahan na nila ang panukalang emergency powers sa pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, hindi pa matiyak ng Senado kung maipapasa ngayon ang panukalang amyendahan ang Biofuel Act dahil kailangan pa nilang pag-aralan ang magiging epekto nito sa lokal na industriya.