
Iminungkahi ng Public Attorney’s Office (PAO) na iayon sa umiiral na minimum wage ang kompensasyong matatanggap ng mga biktima ng maling pagkakakulong, ilegal na detensyon at mararahas na krimen.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni PAO lawyer Noliver Barrido na hindi sapat ang kasalukuyan at maging ang panukalang itaas na kompensasyon dahil mas mababa pa rin ito sa maaaring kitain ng isang manggagawa.
Sa kasalukuyan, nasa ₱1,000 kada buwan ang kompensasyon para sa mga biktima ng unjust imprisonment, hanggang sa maximum na ₱60,000.
Ayon kay Barrido, kahit itaas sa ₱5,000 o ₱10,000 kada buwan ang bayad, katumbas lamang ito ng humigit-kumulang ₱167 hanggang ₱333 kada araw—malayo sa ₱755 na minimum wage sa National Capital Region.
Iminungkahi rin ng PAO na alisin ang nakatakdang maximum limit at bayaran ang biktima batay sa bawat araw na ginugol nito sa pagkakakulong.
Sinuportahan naman ng Commission on Human Rights at Gabriela Representative Sarah Elago ang panukala. Gayunman, sinabi ni Batangas Representative Gerville Luistro, chairperson ng komite, na kailangan ding isaalang-alang ang limitasyon sa pondo ng pamahalaan.
Sa halip na tuluyang alisin ang compensation cap, inaprubahan ng komite ang probisyong magbibigay sa Board of Claims ng kapangyarihang magbigay ng kompensasyong lampas sa itinakdang maximum sa mga pambihirang kaso.
Kailangang nakabatay ang mas mataas na bayad sa bigat ng pinsala, tagal at epekto ng pagkakakulong, aktuwal na pagkalugi at iba pang mahahalagang kalagayan ng biktima. Kailangan ding ilahad nang nakasulat ang batayan ng naturang desisyon.
Inaprubahan ng komite ang mga panukalang batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7309 o batas na nagtatakda ng kompensasyon para sa mga biktima ng unjust imprisonment, detention at violent crimes.




