Bumalik na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ang apat na araw na state visit sa Japan na kanyang inilalarawan bilang “very constructive and highly productive.”

Dumating sa Manila ang eroplanong sakay ng Pangulo, Unang Ginang Louise Araneta-Marcos, at buong delegasyon alas-6:19 ng gabi.

Sa kanyang pag-alis sa Japan, nagbigay ng Kapihan session ang Pangulo sa media kung saan tinalakay niya ang naging resulta ng kanyang pagbisita. Ayon sa kanya, mahalaga ang paglalakbay dahil ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng diplomatic relations ng Pilipinas at Japan.

Nakipagpulong si Pangulong Marcos kay Japanese Emperor Naruhito at Empress Masako sa Imperial Palace sa Tokyo, na aniya ay nagpatibay ng ugnayan ng dalawang bansa.

Nagkaroon din siya ng “fruitful” meeting kay Japanese Prime Minister Takaichi Sanae, kung saan napagkasunduan ang pagpapalawak ng ugnayan mula strategic partnership tungo sa comprehensive strategic partnership na sasaklaw sa seguridad, kalakalan, enerhiya, AI, at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa sa Pangulo, nakakuha ang Pilipinas ng US$3.4 bilyong investment pledges at karagdagang ₱56.3 bilyong posibleng pamumuhunan mula sa ilang kumpanya, na inaasahang lilikha ng mahigit 10,000 trabaho para sa mga Pilipino.