
Dumalaw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa burol ng dalawang tauhan ng Philippine Air Force o PAF na nasawi sa pagbagsak ng isang eroplano sa Tuba, Benguet noong Mayo 20.
Ayon sa Presidential Communications Office o PCO, nagtungo ang Pangulo sa Villamor Airbase sa Pasay City upang personal na ipaabot ang pakikiramay sa pamilya nina First Lieutenant Ruth Angelique Pasos at Second Lieutenant Cherky Enlawan Embudo.
Iginawad din ni Pangulong Marcos sa dalawang opisyal ang Silver Wing Medal bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at dedikasyon sa bayan.
Sinabi ng PCO na hindi malilimutan ang sakripisyo at paglilingkod ng dalawang nasawing opisyal para sa sambayanang Pilipino.
Sakay nina Pasos at Embudo ang isang SF-260 trainer aircraft nang iniulat na bumagsak ito dakong alas-10:30 ng umaga noong Mayo 20 habang nagsasagawa ng navigation training flight.
Tiniyak naman ng PAF ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima at nagsasagawa na rin ng imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Nauna nang dumalaw sa burol noong Mayo 22 si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.




