May naghihintay nang utos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.

Sinabi ni Castro na nananatiling epektibo ang naturang utos habang nagpapatuloy ang operasyon ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng pag-aresto sa senador.

Nauna nang naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, sinabi rin ni Castro na inatasan ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez ang Anti-Fake News Desk na imbestigahan ang pinagmulan ng maling impormasyon tungkol sa umano’y pagkakaaresto ni Dela Rosa at alamin kung may malisyosong layunin ang pagpapakalat nito.

Iginiit din ng Malacañang na ang kumalat na ulat tungkol sa umano’y pag-aresto kay Dela Rosa ay isang diversion upang mailihis ang atensyon ng publiko mula sa mga usapin kaugnay ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.

-- ADVERTISEMENT --