Naniniwala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi nagsisinungaling ang kanyang anak na si House Majority Leader Sandro Marcos kaugnay sa umano’y mga kondisyon na inilatag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kapalit ng suporta sa 2022 presidential elections.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sinabi mismo ni Pangulong Marcos na maayos niyang napalaki ang kanyang mga anak at hindi magsisinungaling si Sandro.

Iginiit ni Sandro na tatlong indibidwal mula sa kampo ni dating Pangulong Duterte ang nangako umanong susuporta sa kandidatura ng kanyang ama, kapalit ng karapatang pumili ng susunod na Executive Secretary, Senate President at House Speaker, bukod sa iba pa.

Ayon kay Sandro, nakita rin niya ang pagkasira ng UniTeam dahil sa umano’y power struggle.

Samantala, sinabi ni Castro na posibleng may mga kahilingan ang kampo ni Duterte na hindi pinagbigyan ni Pangulong Marcos dahil hindi umano ito makabubuti sa pondo at interes ng bayan. Para naman sa Presidential Communications Office, maaaring bahagi ito ng pagtatangkang kontrolin o patalsikin ang Pangulo.

-- ADVERTISEMENT --