
Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpadala ito ng radio challenges sa isang barko ng China Coast Guard matapos umano itong mamataan na sumusubaybay sa isang sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson para sa West Philippine Sea, Rear Admiral Jay Tarriela, nagsagawa ang PCG ng routine Maritime Domain Awareness (MDA) flight gamit ang aircraft PCG 4177 sa lugar.
Kasama sa misyon ang pagsakay ng mga technical personnel ng PCG na binubuo ng doktor, mga nurse, dentista, at pari bilang suporta sa bagong aktibong Coast Guard district sa Kalayaan Island Group.
Sa naturang operasyon, namataan ang China Coast Guard vessel 3103 na nasa layong humigit-kumulang tatlong nautical miles mula sa M/V Kapitan Felix Oca, at nakitang sumusunod umano sa barko ng Pilipinas sa karagatan malapit sa Pag-asa Island.
Dahil dito, agad na nagpadala ng radio challenge ang PCG sa barkong Tsino, iginiit na wala itong legal na hurisdiksyon para magsagawa ng maritime law enforcement sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Noong nakaraang buwan, pormal na in-activate ng PCG ang Coast Guard District Kalayaan Island Group upang palakasin ang presensya at operasyon ng bansa sa West Philippine Sea.
Matagal nang iginiit ng China ang pag-aangkin sa malaking bahagi ng South China Sea, kabilang ang mga lugar na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.
Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at sinabing walang legal na basehan ang malawak na pag-aangkin ng China, ngunit hindi ito kinikilala ng Beijing.










