
Naka full alert na ang Philippine Coast Guard (PCG) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday sa Northeastern Luzon.
Ayon kay Ensign Erika Faith Coloso, tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon, handa na sa paparating na bagyo ang deployable response groups (DRGs) na binubuo ng 58 teams mula sa coastguard stations sa Cagayan, Batanes, Calayan, Isabela at Aurora.
Dagdag pa rito, naka-preposition na rin ang mga search and rescue assets ng PCG na reresponde sa anumang emergency na maaaring idulot ng sama ng panahon.
Nagpatupad na rin ng No Sail Policy ang PCG sa mga karagatang sakop ng rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at iba pang naglalayag.
Samantala, kasabay ng pagtaas ng tropical cyclone wind signal sa ilang bahagi ng Northern at Central Luzon, tiniyak ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na kumpleto na ang mga paghahanda.
Ayon kay PDRRMO Head Cesar Cuntapay, activated na rin ang Emergency Operations Center at bukas ay muling isasagawa ang pulong kasama ang OCD at iba pang ahensya upang suriin ang epekto ng bagyo.
Sa kasalukuyan ay wala pang nararamdamang hangin na dulot ng bagyo at maghapon na naramdaman ang mainit na panahon sa lalawigan.










