Rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos masunog ang isang motor yacht sa karagatan ng Romblon nitong Linggo.

Ayon sa PCG, nasangkot sa insidente ang MY Jason sa katubigan sa pagitan ng Barangay Mabini at Barangay Mabulo sa San Fernando, Romblon bago mag-alas-1 ng hapon.

Bago pa man dumating ang mga tauhan ng Coast Guard, nailigtas na ng mga kalapit na mangingisda ang apat na crew ng yate.

Inilipat sila sa rescue team ng PCG at kinumpirmang ligtas, habang walang naiulat na nasugatan.

Batay sa paunang imbestigasyon, umalis ang MY Jason mula sa Subic Yacht Club noong Hulyo 17 patungo sa Consolacion, Cebu.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kapitan ng barko, posibleng nagsimula ang sunog sa bahagi ng engine compartment.

Patuloy namang minomonitor ng PCG ang sitwasyon at nakahandang hilahin ang yate sa mas ligtas na lugar upang hindi makaapekto sa daloy ng mga sasakyang pandagat.