
Lumagda ang Pilipinas at France sa isang Status of Visiting Forces Agreement o SOVFA upang palakasin ang ugnayang depensa at magkasanib na aktibidad militar ng dalawang bansa.
Nagkaroon ng bilateral meeting sa Paris sina Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at French Minister for the Armed Forces and Veterans na si Catherine Vautrin, kung saan pormal na nilagdaan ang kasunduan.
Ayon sa joint press release, magbibigay ang SOVFA ng mas matibay na balangkas para sa kooperasyon at legal na proteksyon sa mga aktibidad ng Armed Forces of the Philippines at French Armed Forces.
Tinalakay rin ng dalawang panig ang mga isyung panseguridad sa Indo-Pacific, Middle East, at Europe, at binigyang-diin ang kahalagahan ng multilateralism at mapayapang resolusyon ng mga alitan.
Muling pinagtibay ng dalawang bansa ang kanilang commitment sa United Nations Convention on the Law of the Sea at kinilala ang kahalagahan ng South China Sea Arbitral Award.
Malugod ding tinanggap ng Pilipinas ang pakikilahok ng France sa mga mekanismo sa rehiyon, kabilang ang Association of Southeast Asian Nations at ASEAN Defence Ministers’ Meeting-Plus, lalo na sa larangan ng humanitarian assistance, disaster response, at maritime security.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, hindi pinapayagan ang permanenteng base militar ng mga dayuhang tropa sa bansa ngunit maaari silang pansamantalang pumasok sa pamamagitan ng mga kasunduang tulad ng VFA.
May umiiral nang kasunduan ang Pilipinas sa Estados Unidos, Australia, at New Zealand, at patuloy na pinalalawak ng bansa ang ugnayang depensa sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.










