Hinimok ng Department of Foreign Affairs o DFA ang mga awtoridad ng China na tiyaking napangangalagaan ang kapakanan ng mahigit 100 Pilipinong inaresto dahil umano sa ilegal na pagtatrabaho o paninirahan sa naturang bansa.

Kinumpirma ng DFA ang malawakang pag-aresto matapos sabihin ng Chinese Foreign Ministry na nagsagawa sila ng aksiyon laban sa mga Pilipinong pinaghihinalaang ilegal na nagtatrabaho sa China.

Ayon sa DFA, iginagalang ng Pilipinas ang karapatan ng China na ipatupad ang kanilang immigration laws, ngunit hiniling nitong agad na ipaalam sa mga Philippine Foreign Service Posts ang pag-aresto at pagkakadetine ng mga Pinoy, alinsunod sa Vienna Convention on Consular Relations at 2013 Philippines-China Consular Agreement.

Nakikipag-ugnayan na ang DFA sa Philippine Embassy sa Beijing at mga Consulate-General para alamin ang eksaktong bilang ng mga naaresto, mga dahilan ng pag-aresto at kung nasunod ang tamang proseso ng batas.

Samantala, kinondena ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang naturang pag-aresto at tinawag itong isang uri ng “blackmail” laban sa mga Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --