Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na maglabas ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kina senator Francis Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu kaugnay ng iniimbestigahang umano’y anomalya sa flood control projects.

Ang PHDO ay isang kautusan na nagbabawal sa isang indibidwal na umalis ng bansa habang may kinakaharap na imbestigasyon o kaso, upang matiyak na mananatili silang available sa legal na proseso.

Ang kaso ay may kinalaman sa umano’y plunder, graft, at indirect bribery.

Matatandaan na sa pahayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dumaan umano kay Ngu ang 20% o ₱160 million mula sa tinatayang ₱800 million na proyekto sa Valenzuela na ipinasok sa budget, at ang nasabing halaga ay para umano kay Escudero.

Sinabi rin ni Bernardo na personal niyang inihatid ang pera sa opisina ni Ngu sa Maynila, at inilarawan niya itong malapit na kaibigan at campaign contributor ni Escudero.

-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni Ngu ang mga paratang at nagsampa na siya ng kaso laban kay Bernardo dahil sa umano’y paninirang-puri.

Binanggit din niya ang subjudice rule, ibig sabihin ay hindi na siya maaaring magbigay ng detalye dahil nakabinbin na ito sa korte.

Samantala, pinabulaanan din ni Escudero ang alegasyon at sinabing magsasampa siya ng kaso laban kay Bernardo dahil sa “malisyosong paratang.”

Iginiit niya na ayon mismo sa pahayag ni Bernardo, wala silang direktang ugnayan sa isyu, at handa niyang patunayang hindi totoo ang mga akusasyon.

Sa ngayon, nakabinbin pa ang aksyon ng Sandiganbayan kung pagbibigyan ang hiling na hold departure order habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.