Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mas maraming pribadong ospital na makiisa sa PhilHealth sa pagpapatupad ng “no co-payment” policy upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente sa pagpapagamot.

Sa kanyang talumpati sa paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng PhilHealth at St. Luke’s Medical Center, sinabi ng Pangulo na hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makakuha ng kinakailangang serbisyong medikal.

Ayon kay Marcos, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang gawing mas abot-kaya at mas madaling makuha ng mga Pilipino ang serbisyong pangkalusugan.

Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang Zero Balance Billing sa mga DOH hospital, medical assistance para sa mga indigent patient, at pagpapalawak ng mga benepisyo ng PhilHealth.

Hinimok din ng Pangulo ang iba pang ospital sa bansa na suportahan ang no co-payment policy upang matiyak na walang Pilipino ang mapagkakaitan ng kinakailangang gamutan dahil lamang sa kakulangan sa pera.

-- ADVERTISEMENT --