Inilunsad ang Philippine Polytechnic Education Network (PhilPEN), isang samahan ng mga institusyong pang-edukasyon na layong palakasin at paunlarin ang polytechnic education sa Pilipinas.

Pormal na inilunsad ang network sa National Summit on Polytechnic Education na pinangunahan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) mula Oktubre 14 hanggang 16.

Ayon kay PUP President Manuel Muhi, layunin ng samahan na pagtulungan ng mga institusyon ang pagpapahusay ng polytechnic education upang makatulong sa pambansang kaunlaran at matugunan ang mga hamon sa buong mundo.

Kabilang sa mga pangunahing layunin ng PhilPEN ang pagbuo ng Philippine Polytechnic Education Framework na magsasaayos ng mga kurikulum, magpapataas ng pamantayan sa kalidad ng edukasyon at magpapalawak ng pagsasanay na may kaugnayan sa aktuwal na trabaho.

Isinusulong din ng network ang pagpapalawak ng pananaliksik, pagpapalakas ng ugnayan sa industriya at pagtugon sa mga suliranin ng mga komunidad.

-- ADVERTISEMENT --

Sa suporta ng Commission on Higher Education (CHED) at alinsunod sa mga pamantayan ng polytechnic education sa ASEAN, inaasahan ding mapalawak ng PhilPEN ang oportunidad sa trabaho sa rehiyon at mapalakas ang pakikipagtulungan sa ibang bansa.

Lumahok sa tatlong araw na summit ang ilang state universities and colleges, gayundin ang mga kinatawan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Technical Vocational Schools Association.