Tiwala ang pamahalaan ng Pilipinas na uusad ang negosasyon ng mga bansang kasapi ng ASEAN para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea, sa kabila ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakikita ng Pilipinas ang aktibong partisipasyon ng mga miyembrong bansa ng ASEAN, kabilang ang China, sa mga pagpupulong na layong bumuo ng isang binding framework para sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Sa isang briefing sa Cebu, sinabi ni DFA Assistant Secretary at ASEAN Spokesperson Dominic Imperial na mahalaga ang tuloy-tuloy na diyalogo upang mapabilis ang pag-usad ng COC, na ilang taon nang tinatalakay sa rehiyon.

Giit ng DFA, nananatiling prayoridad ng Pilipinas ang isang rules-based framework na magbibigay ng malinaw na alituntunin sa paghawak ng mga sigalot sa South China Sea.

Nauna nang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagamitin ng Pilipinas ang papel nito bilang ASEAN chair upang itulak ang mas mabilis na pagbalangkas at paglagda sa Code of Conduct.

-- ADVERTISEMENT --