Nagsimula nang maghanda ang Pilipinas ng suplay ng langis para sa Mayo habang patuloy na naaapektuhan ng digmaan sa Gitnang Silangan ang pandaigdigang suplay.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, inaasahang darating sa Abril ang mga bagong suplay na inorder ng mga lokal na kompanya ng langis.

Inaatasan ang mga oil company na tiyaking may sapat na imbentaryo na hindi bababa sa 15 araw, ngunit kadalasan ay lumalampas pa ito sa itinakdang minimum. Sa kasalukuyan, naglalagay na ng mga order ang mga kompanya para sa kanilang suplay sa Mayo.

Tinatayang mauubos ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa pagsapit ng katapusan ng susunod na buwan.

Bilang paghahanda, pinag-aaralan din ng pamahalaan ang pagbili ng 1 milyon hanggang 2 milyong bariles ng langis bilang buffer sakaling hindi makakuha agad ng suplay ang mga retailer.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ding sinusuri ng pamahalaan ang iba’t ibang mapagkukunan ng langis bukod sa karaniwang supplier ng diesel. Kabilang sa mga tinitingnang bansa ang Malaysia, Brunei, India, Estados Unidos, Canada, Russia, at ilang bansa sa South America.

Tinatayang aabot ng isang linggo ang delivery kung mula sa mga bansang Asyano ang suplay, habang maaaring umabot ng isang buwan ang dating ng langis mula sa mga bansang nasa labas ng rehiyon.