Isinusulong ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN ang mas maraming pamumuhunan sa sustainable at resilient tourism projects sa rehiyon hanggang 2030.

Ito ang layunin ng binubuong ASEAN Sustainable and Resilient Tourism Investment Outlook 2030, na nakatuon sa pagdadala ng strategic financing at investments sa mga umuusbong na tourism hub, secondary cities at sustainable destinations.

Ayon kay Tourism Undersecretary Verna Buensuceso, bahagi ito ng mga prayoridad ng Pilipinas bilang ASEAN chair ngayong 2026, katuwang ang Asian Development Bank.

Layunin ng investment outlook na idirekta ang kapital sa mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya at nakahanay sa ASEAN Tourism Sectoral Plan 2026–2030, kabilang ang mga green infrastructure projects.

Binigyang-diin din ni Buensuceso ang pangangailangang i-update ang ASEAN Tourism Agreement na nilagdaan noong 2002 upang umangkop sa digital transformation, sustainable at resilient tourism, regional connectivity, at pagsasama sa Timor-Leste sa multilateral framework.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi niyang kailangang tugunan ng ASEAN ang epekto ng global energy crisis na nagpapataas sa operasyon ng mga airline, transport operator at tourism-related businesses.

Iminungkahi rin ng opisyal ang pagbuo ng unified regional data platform para magkaroon ang mga bansang ASEAN ng access sa real-time tourism data, market forecasts at iba pang impormasyong makatutulong sa pagpaplano at pagtugon sa mga krisis.