Sumiklab ang pinakamalaking protesta sa mga paaralan sa France sa loob ng ilang dekada matapos magtipon ang mga estudyante, guro at magulang sa iba’t ibang lungsod dahil sa kakulangan ng guro, siksikang classroom at lumalalang kondisyon ng mga school building.

Nagpaulan ng tear gas ang mga pulis sa ilang lugar nang mauwi sa tensyon at kaguluhan ang mga demonstrasyon, habang nagsunog naman ng mga bagay sa kalsada at naghagis ng mga projectile ang ilang protesters.

Ayon kay Prime Minister Sebastien Lecornu, nasa 215 estudyante at 85 school staff na ang nasugatan sa mga sagupaan, habang mahigit 700 pulis din ang iniulat na nasaktan.

Nagsimula ang mga protesta noong Setyembre sa mga mahihirap na bahagi ng Paris bago kumalat sa buong bansa. Kabilang sa reklamo ng mga estudyante ang sirang pasilidad, tagas ng tubig at maging problema sa daga sa ilang paaralan.

Samantala, sinabi ng Interior Ministry na nasa 6,100 katao na ang naaresto mula nang magsimula ang kilos-protesta, karamihan ay mga menor de edad. Mahigit 1,800 naman ang isinailalim sa prosekusyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nangako si Lecornu na tutugunan ng gobyerno ang mga pangunahing hinaing, kabilang ang pagpapalit sa mga gurong absent, pagsasaayos ng mga lumang school building at pagrepaso sa haba ng oras ng klase.

Mas pinaigting din ng insidente ang pressure sa administrasyon ni President Emmanuel Macron, na nahaharap din sa problema sa budget deficit, lumalaking utang ng bansa at nalalapit na halalan sa susunod na tagsibol.