Nanalangin si Pope Leo XIV para sa France sa dambana ng Lourdes matapos pangunahan ang isang malaking misa sa Paris na dinaluhan ng tinatayang 800,000 katao.

Sa Grotto of Massabielle sa Lourdes, nanalangin ang Santo Papa para sa pagkakaroon ng mga lider na umano’y handang maglingkod para sa kabutihang panlahat at ipagtanggol ang karapatang pantao at kapayapaan.

Bahagi ito ng apat na araw na pagbisita ni Pope Leo sa France, ang unang opisyal na papal visit sa bansa sa loob ng halos dalawang dekada.

Sa Paris, pinangunahan niya ang open-air Mass sa Place de la Concorde matapos maglibot sakay ng popemobile sa Champs-Élysées.

Sa kaniyang pagbisita sa Lourdes, isinagawa rin ni Pope Leo ang mga tradisyunal na ritwal ng mga deboto, kabilang ang paghawak sa bato sa grotto, pagsindi ng kandila at pag-inom ng tubig mula sa bukal.

-- ADVERTISEMENT --

Bukas, nakatakdang makipagkita nang pribado ang Santo Papa sa pitong biktima ng clerical sex abuse sa France.

Batay sa isang 2021 inquiry, tinatayang 330,000 menor de edad ang umano’y inabuso ng mga miyembro ng Simbahang Katolika sa bansa sa loob ng pitong dekada.