Ipinagtanggol ni dating Kalihim ng Agrikultura Manny Piñol ang negosyanteng si Samuel Uy matapos itong maiugnay sa ilegal na droga sa pagdinig ng impeachment laban kay Vice Presidente Sara Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ni Piñol na hindi tama ang pagkakadawit kay Uy at nasira ang pangalan nito dahil lamang sa pagiging kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang inakusahan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang pamilya Duterte na umano’y tumanggap ng pera mula kay Uy, na inilarawan niyang drug lord.

Ayon kay Trillanes, tumanggap umano ng humigit-kumulang P181.6 milyon ang pamilya Duterte mula 2011 hanggang 2013. Kabilang sa binanggit ang bise presidente, si dating Pangulong Duterte, ang kanyang mga anak na sina Davao Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte, pati si Honeylet Avanceña at si Veronica Duterte.

Kinumpirma naman ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura na may ilang transaksyon sa affidavit ni Trillanes ang tumugma sa kanilang talaan, kabilang ang ilan na iniuugnay kay Uy.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi ni Piñol na wala siyang personal na kaalaman tungkol sa mga sinasabing transaksyon at nakatuon lamang siya sa pagtatanggol sa kanyang kaibigan.

Ayon pa kay Piñol, si Uy ay mula sa isang kilalang pamilyang Filipino-Chinese sa Davao at may mga negosyo tulad ng appliance store at farm. Dagdag niya, malapit si Uy kay dating Pangulong Duterte ngunit hindi nito inabuso ang kanilang pagkakaibigan.