Humina ang halaga ng piso at muling bumalik sa P61 kada isang dolyar matapos ang ikaapat na sunod na araw ng pagbaba nito sa kalakalan.

Nagsara ang palitan sa P61.123 kontra dolyar mula sa P60.775 noong nakaraang trading day.

Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation Chief Economist Michael Ricafort, lumakas ang US dollar laban sa iba pang pangunahing currency matapos magbigay ng hawkish signals ang US Federal Reserve hinggil sa posibilidad ng panibagong pagtaas ng interest rates sa mga susunod na buwan.

Bagama’t nanatiling hindi nagbabago ang interest rates ng Federal Reserve, inaasahan ng merkado ang posibleng dagdag na rate hike bago matapos ang taon.

Samantala, naapektuhan din ang lokal na merkado matapos bumagsak ang Philippine Stock Exchange Index ng mahigit 100 puntos sa pagtatapos ng kalakalan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga market analysts, nananatiling mabigat ang sentimyento ng mga mamumuhunan dahil sa paglabas ng kapital at pangamba sa patuloy na paghina ng piso laban sa dolyar.