
Maaaring manatiling mahina ang piso sa mga susunod na buwan dahil sa mataas na presyo ng langis at tumataas na inflation, ayon sa mga analyst.
Sa Asia FX outlook ng MUFG Bank, inaasahang hihina pa ang piso sa nalalabing bahagi ng second quarter bago unti-unting makabawi sa huling bahagi ng taon, bunsod ng mas mataas na import costs, second-round inflation effects, at mas mahigpit na financial conditions.
Tinatayang posibleng umabot sa P62 kada dolyar ang piso pagsapit ng katapusan ng second quarter sa baseline scenario, bago unti-unting lumakas sa mga susunod na quarters.
Ayon sa MUFG, kabilang ang Pilipinas sa mga mas vulnerable na ekonomiya sa rehiyon dahil sa mataas na pagdepende sa imported oil.
Itinaas din nito ang inflation forecast sa 6% ngayong taon, at inaasahan ang posibleng karagdagang pagtaas ng interest rates ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang mapigilan ang pagtaas ng presyo.









