Pormal na naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China upang maihayag ang kanilang malakas at “unequivocal” na pagtutol sa plano ng Beijing na magtayo ng nature reserve sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.

Kasabay nito, suportado naman ng United States government ang Pilipinas at itinuring ang hakbang ng China bilang “destabilizing”.

Binanggit ni US Department of State Secretary Marco Rubio na ang hakbang ng China ay isang pagtatangka para maisulong ang territorial at maritime claims sa South China Sea sa kabila ng pagtutol ng mga katabing bansa, kabilang na ang mga mangingisdang Pilipino na mahihirapan nang makapasok sa nasabing “traditional fishing grounds”.

Kinalampag din ni Rubio ang China na sumunod sa ruling ng 2016 Arbitral Tribunal at huwag gumawa ng hakbang na makakaapekto sa regional stability.