Nilinaw ni Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) Regional Dir. PBGen. Ericson Dilag na wala silang natanggap na direktiba mula kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla tungkol sa umano’y posibleng pagtatago ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gen. Gerald Bantag sa mga bundok ng Cordillera.

Paliwanag ni Dilag, dahil sa naging mga pahayag at impormasyon na ito ng kalihim ay agad aniyang kinalampag ng kanilang himpilan ang kanilang assets na posibleng may kinalaman o may impormasyon hinggil sa pinagtataguan ni Bantag.

Bagamat negatibo ang naging responde ng kanilang informants ay tiniyak naman ni Dilag na patuloy ang kanilang mga operasyon para masiguro na wala si Bantag sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Posible rin aniya na ang mga impormasyon na ito ay mula sa ibang informants dahil wala rin silang natanggap na impormasyon hinggil dito.

Siniguro naman ni Dilag na mayroon silang sapat na bilang ng informants mula sa mga tribu na namamalagi sa mga bulubundukin ng Cordillera at sa ngayon ay wala pang feedback reports mula sa mga ito.

-- ADVERTISEMENT --