
Isinailalim sa restrictive custody ng Philippine National Police (PNP) ang isang 41-anyos na police training instructor matapos siyang ireklamo ng isang babaeng trainee na umano’y hinalay niya nang dalawang beses sa loob ng isang pasilidad sa Cordillera ngayong taon.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., dinisarmahan na ang instructor at inilipat sa PNP training headquarters sa Laguna habang inihahanda ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa kanya.
Depende sa bigat ng kasalanan, maaaring ipataw ang mga administratibong parusa gaya ng agarang pagtanggal sa serbisyo, suspensyon, reprimand, pagbaba ng ranggo, pagkakaltas ng sahod, at restrictive custody.
Samantala, sa ilalim ng batas, ang parusang kriminal para sa rape ay reclusion perpetua (hanggang 40 taong pagkakakulong sa bawat bilang), bagama’t saklaw din ito ng Republic Act No. 10592 o Good Conduct Time Allowance law.
Batay sa paunang imbestigasyon, naghain ng pormal na reklamo noong Abril 13 ang 23-anyos na biktima, na nagsabing dalawang beses siyang sinamantala.
Ang unang insidente ay nangyari umano noong Enero 20 bandang alas-2 ng madaling araw, habang ang ikalawa ay noong Pebrero 8 bandang ala-1 ng hapon—kapwa sa loob ng Cordillera Administrative Region Training Center sa Baguio City.
Ayon sa trainee, tinawag siya sa barracks ng instructor sa parehong pagkakataon kung saan naganap ang mga insidente.
Nagsumite na siya ng sinumpaang salaysay at kasalukuyang sumasailalim sa psychological assessment.
Binigyang-diin din ni Nartatez na hahawakan ang kaso nang may agarang aksyon at transparency.










