Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang karagdagang anim na baril na nakarehistro kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon sa PNP, isinuko ng abogado ng senador ang anim na armas, na agad na isinailalim sa temporary safekeeping ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) at Regional Civil Security Unit 4A (Calabarzon), sa koordinasyon ng mga pulis na nagtungo sa tahanan ng senador sa Silang, Cavite.

Dahil dito, umabot na sa 26 na baril ni Dela Rosa ang nasa kustodiya ng PNP.

Noong Hunyo 11, una nang isinuko ng abogado ng senador ang 20 iba pang armas na nakarehistro sa kanyang pangalan.

Batay sa talaan ng PNP, may kabuuang 117 baril na nakarehistro kay Dela Rosa, kung saan 91 pa ang hindi naisasailalim sa kustodiya ng pulisya.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang naglabas ang PNP Firearms and Explosives Office ng kautusan na nagre-revoke sa lisensya sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril ng senador kasunod ng paglabas ng warrant of arrest kaugnay ng imbestigasyon sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.