Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng paaralan na makipag-ugnayan muna sa pulisya bago magsagawa ng anumang off-campus activities upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.

Ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang koordinasyon upang maisagawa ang security assessment, emergency response planning, traffic management, at paghahanda ng rescue at medical services.

Kasunod ito ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City at pagkalunod ng dalawang estudyanteng atleta ng Ateneo de Manila University sa isang team-building activity sa Aurora.

Inatasan na rin ng PNP ang lahat ng regional offices at local police stations na paigtingin ang koordinasyon sa Department of Education at Commission on Higher Education para sa mas ligtas na mga aktibidad ng mga mag-aaral.

Muli ring nanawagan ang PNP sa mga paaralan na palakasin ang mental health at psychosocial support programs para sa mga estudyante, kasunod ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa ilang paaralan sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --