Nanawagan si Pope Leo XIV sa mga pamahalaan sa buong mundo na higpitan at pabagalin ang pagde-develop ng artificial intelligence o AI systems dahil sa panganib na maidulot nito sa lipunan at pandaigdigang seguridad.

Sa kanyang kauna-unahang encyclical na pinamagatang Magnifica Humanitas, sinabi ng Santo Papa na maaaring magamit ang AI sa pagpapalaganap ng maling impormasyon, pagpapalala ng tensyon, at posibleng magtulak sa mundo sa tuloy-tuloy na kaguluhan at digmaan.

Nagbabala rin si Pope Leo na may ilang autonomous weapons systems na umano’y halos wala nang kakayahan ang tao na kontrolin o pamahalaan.

Iginiit din niya na hindi dapat ipaubaya lamang sa pribadong sektor ang pagmamay-ari at kontrol sa AI data. Hinimok niya ang mga mambabatas na protektahan ang mga manggagawa, kabataan, at publiko laban sa posibleng abuso sa teknolohiya.

Kasabay nito, nanawagan din ang Santo Papa na bawasan ang matinding kompetisyon sa pagitan ng malalaking AI companies at magpatupad ng matibay na batas at independent oversight sa paggamit ng AI.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa usapin ng teknolohiya, tinuligsa rin ni Pope Leo ang dumaraming digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo at sinabi nitong hindi na akma sa kasalukuyang panahon ang tinatawag na “just war theory” na ginagamit noon ng Simbahan upang bigyang-katwiran ang ilang digmaan.

Ayon sa Santo Papa, hindi kailanman dapat ipagkatiwala sa AI systems ang desisyong pumatay o gumamit ng lethal force.

Humingi rin siya ng tawad para sa naging papel ng Simbahang Katolika sa usapin ng transatlantic slavery noong nakaraan at inaming isa itong sugat sa kasaysayan ng Kristiyanismo.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinimok ni Pope Leo ang lahat ng bansa at mamamayan na magkaisa upang matiyak na magagamit ang AI para sa kabutihang panlahat at hindi sa kapahamakan ng sangkatauhan.