
Inihayag ni Acting Senate President at Senador Sherwin Gatchalian na posibleng may kaugnayan sa 18 dating bodyguards ng dating party-list lawmaker na si Zaldy Co ang naiulat na banta sa seguridad ng Senado.
Ayon kay Gatchalian, seryosong tinutugunan ng Senado ang naturang impormasyon at inatasan na ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan sa iba’t ibang intelligence agencies upang beripikahin ang ulat.
Nailagay sa heightened security ang Senado simula Hunyo 9 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa National Bureau of Investigation o NBI tungkol sa posibleng banta. Dahil dito, ipinatupad din ang remote work arrangement sa Senado mula Hunyo 10 hanggang Hunyo 11.
Sinabi ni Gatchalian na ipinaabot umano ni NBI Director Melvin Matibag ang posibilidad na may armadong grupo na maaaring manggulo sa Senado at maaaring konektado ito sa 18 indibidwal na sangkot sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Senador Alan Peter Cayetano ang kredibilidad ng ulat at ang timing ng security alert, lalo na’t nakatakda sanang magsagawa ng panibagong pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa isyu ng flood control projects.
Nilinaw naman ni Gatchalian na hindi naka-lockdown ang Senado at naabisuhan ang lahat ng senador tungkol sa banta sa pamamagitan ng memorandum na inilabas ng kanyang tanggapan.










