TUGUEGARAO CITY-Nakatakdang magsagawa ng preemptive evacuation ang pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao sa susunod na mga oras bunsod ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Binigyan diin ni Mayor Maila Ting Que na kung kinakailangan ay magsasagawa din sila ng forced evacuation dahil inaasahan na lalo pang tataas ang lebel ng ilog dahil sa nagpakawala ng tubig ang Magat dam sa Isabela.
Ayon kay Que, mag-iikot sila ngayon sa sa lungsod at bigyan ng abiso ang mga barangay na madalas na nakakaranas ng pagbaha na maging handa at alerto.
Sinabi ni Que na kabilang sa mga lugar na kanilang pupuntahan ay ang Balzain East at West, caritan, Linao, Cataggaman, San Gabriel, Leonarda at Carig.
Kasabay nito, sinabi ni Que na umiiral ngayon ang liqour ban.
Hindi na madaanan ang Pinacanauan overflow bridge sa lungsod.
Sinabi naman ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO ng Cagayan na lampas na sa alert level ang water level sa Buntun na ngayon ay 5.8 meters.
Sinabi niya na kung umabot na sa 6 meters ang water level sa Buntun ay makakaranas na ng pagbaha ang ilang lugar sa lalawigan.
Umapaw na rin ang tubig sa ibang mga overflow bridges sa Isabela at isa sa Nueva Vizcaya, batay sa report mula sa Office of the Civil Defense.
Kaninang 8:00 am ay binuksan ng NIA-MARIIS ang isang gate ng Magat dam at nagpapakawala ng 200 cubic meter per second na tubig.
Ito ay upang matiyak na hindi maabot ang spilling level ng dam na 190 meters.