
Tumaas ng mahigit tatlong porsiyento ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos ang panibagong palitan ng mga pag-atake ng Estados Unidos at Iran na muling nagdulot ng pangamba sa suplay ng langis sa Strait of Hormuz.
Umakyat ang presyo ng Brent crude sa $78.40 kada bariles, habang pumalo naman sa $73.58 kada bariles ang US West Texas Intermediate (WTI).
Ayon sa mga analyst, patuloy na sinusuportahan ng banta sa suplay ang pagtaas ng presyo.
Nababahala rin ang mga shipping operator matapos sabihin ng Iran na muling isinara nito ang Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas.
Ayon sa mga eksperto, maaaring manatiling mataas ang presyo ng langis habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon at nananatiling hindi tiyak ang kalagayan ng pandaigdigang suplay ng enerhiya.










