
Hindi pa nakikitang kailangan ng prosecution panel na maghain ng rebuttal evidence sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil nananatili silang tiwala sa mga ebidensiyang inilahad nila laban sa Bise Presidente.
Ayon kay House prosecution counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr., wala pa silang nakikitang dahilan upang humiling ng pahintulot na magharap ng karagdagang ebidensiya bilang tugon sa mga testigo ng depensa.
Sa halip, sinabi ni Tolosa na nakatutulong pa sa kanilang panig ang ilang pahayag ng mga testigo ng depensa, partikular ang pag-amin ng assessor mula sa Island Garden City of Samal na hindi niya matiyak kung ang naturang ari-arian ay siya ring nakatala sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte.
Samantala, kinuwestiyon ni House prosecutor Rep. Terry Ridon kung maipapaliwanag ng mga susunod na testigo ng depensa ang mga transaksiyong iniulat sa Anti-Money Laundering Council o AMLC na kinasasangkutan umano ng mag-asawang Duterte-Carpio.
Kabilang sa inaasahang haharap sa impeachment court ngayong linggo ang isang abogado na tatalakay sa mga usapin kaugnay ng Anti-Money Laundering Act.
Ayon kay Ridon, posibleng igiit ng depensa na ang mga transaksiyong umaabot sa P4.4 bilyon ay simpleng paggalaw lamang ng pera at hindi nangangahulugang katumbas ito ng yaman ng mag-asawa.
Gayunman, iginiit ng mambabatas na mahalagang maipaliwanag ang naturang halaga at ang pinagmulan ng mga pondong sangkot sa mga transaksiyon.










