Kinuwestiyon ng House prosecution panel ang mga acknowledgment receipt o AR na sumasaklaw sa tinatayang 300 transaksyon ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte na umano’y isinagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa sa iisang araw.

Ayon kay Lanao del Sur Representative at prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong, may mga resibong nagpapakitang may ilang indibidwal na nakatanggap ng pondo nang dalawang beses sa isang araw, habang ang disbursements ay naiulat na ginawa sa humigit-kumulang 300 lugar sa buong bansa.

Kinuwestiyon din ng prosecution ang pagkakakilanlan at edad ng ilang recipient, matapos lumitaw umano ang mga hindi tugmang records sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Binigyang-diin ni Adiong na hindi sapat ang acknowledgment receipts, certifications at liquidation reports upang patunayang aktuwal na naganap ang mga transaksyon at lehitimo ang mga gastusin.

Bahagi ito ng Article 1 ng impeachment complaint laban kay Duterte, na tumutukoy sa umano’y sistematikong maling paggamit at iregular na liquidation ng ₱500 milyon na confidential funds ng OVP at ₱112.5 milyon ng DepEd.

-- ADVERTISEMENT --