
Pormal nang ipinatutupad ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region 2 ang Administrative Petition for Correction Automated System o APCAS na naglalayong pabilisin ang proseso ng pagwawasto ng mga civil registry documents.
Ayon kay PSA Region 2 Director Engr. Girme Bayucan, ang APCAS ay isang online system na kapalit ng dating manu-manong proseso na umaabot ng walo hanggang 12 buwan kung saan mababawasan na ang proseso sa average na 40 hanggang 55 araw lamang.
Sa ilalim ng APCAS, lahat ng impormasyon ay direktang inilalagay sa online system at hindi na ipinapadala sa pamamagitan ng koreo at agad na makakatanggap ng abiso ang aplikante sa status ng kanilang petisyon sa pamamagitan ng text.
Sa ilalim ng Republic Act 9048 at 10172, saklaw ng APCAS ang pagwawasto ng clerical errors, first name, birth date, birth month, at maging ang sex sa birth certificate.
Sa kasalukuyan, 14 sa 29 na munisipalidad ng Cagayan na ang gumagamit nito, habang inaasahang madaragdagan pa bago matapos ang buwan.
Pinapayuhan ang publiko na tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang dokumento bago lumapit sa pinakamalapit na Local Civil Registry Office.










