
Bahagyang bumagal ang paglago ng manufacturing sector ng bansa noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bunsod ng paghina ng produksyon sa transport equipment, pagkain, at chemical products.
Batay sa paunang datos ng PSA, umakyat ng 10.2% ang volume of production index (VoPI) noong Mayo, mas mababa kumpara sa 11.7% noong Abril. Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa 0.3% na pagbaba na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagbagal ang 1.4% na pagbaba sa produksyon ng transport equipment, habang humina rin ang paglago sa paggawa ng food products at mas lumalim ang pag-urong sa chemical manufacturing.
Sa kabila nito, tumaas naman ang average capacity utilization ng mga manufacturing firms sa 78.8%, mas mataas kaysa noong Abril at sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, na nagpapakitang nananatiling aktibo ang operasyon ng maraming pabrika sa bansa.









