Nagtamo ng fracture sa kanyang kamay ang isang pulis matapos na mahulog sa 30 meters na bangin sa Butbut proper sa Tinglayan, Kalinga habang sila ay naghahanap ng iba pang marijuana plantation sa lugar.

Sinabi ni PCOL Davy Vicente Limmong, director ng Kalinga PNP na nadulas umano si PMSGT Michael Mamanteo.

Kasabay nito, sinabi ni Limmong na nagpaabot na siya ng agarang tulong kay PMSGT Mamanteo na naka-confine sa Kalinga Provincial hospital sa Bulanao, Tabuk.

Bago ang insidente, binunot at sinunog ng mga pulis at mga tauhan ng PDEA ang nasa 1,000 na fully grown marijuana sa nasabing lugar.

Pagkatapos nito, habang sila ay naglalakad para maghanap pa sana ng iba pang marijuana plantation ay dito na nahulog ang nasabing pulis.

-- ADVERTISEMENT --

Kagnay nito, sinabi ni Limmong na mahigit P200,000 ang halaga ng nasabing mga marijuana.

Samantala, sinabi ni Limmong na umaabot na sa P10m ang halaga ng sinira nilang mga pananim na marijuana at P18m naman ang mga nakumpiska na tangkang ipuslit na mga marijuana mula buwan ng Enero hanggang ngayong Marso.

Idinagdag pa niya na anim naman ang kanilang nahuli na karamihan ay mga dayuhan o hindi mga residente ng Kalinga.