Hindi na kailangan na magpakita pa ng purchase booklets ang senior citizens para maka-avail sa 20 percent discount sa mga gamot at medical devices.

Ito ay kasunod ng inilabas na Administrative Order No. 2024-0017 ni Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na amiyenda sa dalawang dating administrative orders na nagtatakda ng guidelines sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9994 o ang “Expanded Senior Citizen Act of 2010.”

Tinatanggal ng bagong AO ang mga probisyon ng mga dating kautusan na nag-aatas sa mga senior citizen na ipakita ang kanilang purchase booklets sa pagbili ng prescription medicines, over the counter medicines, at medical devices.

Nakasaad sa AO na pabigat pa sa senior citizens ang pagpapakita ng kanilang purchase booklets sa bawat transaksion para maka-avail sa 20 percent discount ng mga gamot.

Matatandaan na nitong buwan ng Pebrero ngayong taon, nanawagan ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa business owners na gawing digital ang monitoring sa transactions ng senior citizens sa pagtanggal ng purchase booklets bilang requirement para maka-avail sa government-mandated discounts.

-- ADVERTISEMENT --