
“Bitter brat,” at “natural born liar”
Ito ang ilan sa matitinding salitang ginamit ni Executive Secretary Ralph Recto bilang tugon sa mga akusasyon ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste laban sa kanya at sa administrasyong Marcos.
Ito’y matapos ang sunod-sunod na akusasyon inilalabas ni Leviste laban kay Recto nitong mga nakalipas na araw.
Sa inilabas nitong pahayag kagabi, sinabi ni Recto na hindi nya sana papatulan ang mga alegasyon, ngunit may hangganan umano ang kanyang pagtitimpi sa tinawag nyang walang basehang paninira.
Ibinunyag din ng kalihim na sa una nilang pagkikita, tinangka umano siyang suhulan ni Leviste ng ₱400 milyon upang umatras ang isang kalaban sa pulitika, isang alok na kanya raw tinanggihan.
Sinabi pa ni Recto na sinundan ito ng panibagong alok na ₱1 bilyon para umano sa pag-urong ni Governor Vilma Santos-Recto sa halalan, at iginiit na ang respeto nya sa ina ni Leviste na si Senadora Loren Legarda ang naging dahilan kung bakit hindi nya isinapubliko ang insidente noon.
Dagdag pa nya, ang paglapit umano ni Leviste sa kanyang kampo noon ay may layuning makuha ang malalawak na lupain sa Nasugbu, Batangas, bagay na hindi rin nya sinang-ayunan.
Ayon pa kay Recto, may mga ulat din umano ng malawakang vote-buying sa Batangas na iniuugnay sa kampo ng mambabatas.
Binatikos din ng kalihim ang negosyo ni Leviste, kung saan tinawag nyang “pinakamalaking budol” ang 24 bilyon na utang ng mambabatas mula sa kanyang mga “ghost solar projects.”
Idinagdag pa nya na may mga impormasyon hinggil sa paggamit umano ng troll farms, artificial intelligence operations, at iba pang disinformation tactics upang siraan ang mga opisyal ng gobyerno.
Nilinaw rin ni Recto ang pagdawit sa pangalan ni Congressman Edwin Gardiola, at sinabing matagal na nya itong katunggali sa pulitika at nagkataon lamang na nagkasama sila sa iisang tiket noong 2022.
Iginiit naman ni Recto na ang kanyang mga proyekto sa Batangas ay may sapat na dokumentasyon at naramdaman ng publiko.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na mas mainam pa ring pagtuunan ng pansin ang mahahalagang isyu kaysa sa personal na alitan, ngunit nagbabala na
kung hindi titigil si Leviste sa pagsisinungaling, mapipilitan syang ilabas ang lahat ng baho nito.










