Kinuwestiyon ng isa sa mga nagsampa ng reklamo ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na ibasura ang mga kaso laban kina dating Finance Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth chief Emmanuel Ledesma Jr. kaugnay ng P60-bilyong pondo ng PhilHealth na inilipat sa National Treasury.

Ayon kay Rodel Taton, isa sa mga complainant, nananatili para sa kanila ang posibleng criminal liability ng mga dating opisyal at pinag-aaralan nila ang paghahain ng motion for reconsideration at iba pang legal na hakbang.

Nauna nang ibinasura ng Ombudsman ang mga kasong technical malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at plunder, at sinabing alinsunod sa 2024 General Appropriations Act ang naging paglipat ng pondo.

Giit naman ng complainant, hindi sapat ang “good faith” bilang depensa sa posibleng paglabag sa ilang batas, kabilang ang Universal Health Care Law, at kinuwestiyon din nila ang naging basehan ng legal opinions na ginamit sa desisyon.

Ang P60-bilyong pondo ay orihinal na subsidy para sa PhilHealth na inilipat sa National Treasury, na naging sentro ng reklamo ng mga grupo mula Iloilo na nagsampa ng kaso laban sa mga dating opisyal.

-- ADVERTISEMENT --