
Pinabulaanan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pahayag ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na naglabas na umano ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Sa panayam sa Camp Crame nitong Huwebes, sinabi ni Remulla na wala pang natatanggap na anumang impormasyon o dokumento ang pamahalaan na magpapatunay sa naturang alegasyon.
Nagbiro rin ang kalihim nang tanungin tungkol sa pinagmulan ng impormasyon ni Duterte, na nagsabing baka ito lamang ang nakakita sa sinasabing warrant dahil wala namang natatanggap na katulad na impormasyon ang mga awtoridad.
Nauna nang inihayag ni Duterte sa social media na ipinaabot umano sa kanya ng isang “highly reliable source” na mayroon nang arrest warrants na inilabas ang ICC laban kay Go at dalawang dating opisyal ng pulisya.
Kasabay nito, inakusahan ng kongresista ang administrasyon ng paggamit umano sa ICC bilang kasangkapang pampulitika laban sa mga kalaban nito.
Bilang tugon, sinabi ni Remulla na mapanganib ang paggawa ng mga ganitong pahayag kung wala pang beripikasyon mula sa mga kinauukulang ahensya.
Samantala, sinabi rin ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na wala siyang nalalamang anumang arrest warrant mula sa ICC laban kay Go.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng Pilipinas hinggil sa sinasabing warrant na binanggit ni Duterte.
Nabanggit ang pangalan ni Go sa mga dokumentong may kaugnayan sa kasong crimes against humanity na kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC kaugnay ng kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Si Go ay matagal na naging aide at malapit na kaalyado ng dating pangulo.










