Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa Land Transportation Office (LTO) na itigil na ang paggamit sa serbisyo ng information technology provider na Stradcom Corporation at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang pagpapahusay ng government-owned Land Transportation Management System (LTMS).

Sa kanyang programa sa radyo nitong Sabado, sinabi ni Remulla na panahon na upang tapusin ang paggamit sa serbisyo ng Stradcom at ayusin ang mga isyung kinahaharap ng LTMS.

Ayon sa Ombudsman, dapat tutukan ng LTO ang pagpapaayos ng sistema nito upang matugunan ang mga problema tulad ng pagkakaroon ng multiple licenses at mga pekeng dokumento.

Binanggit din ni Remulla na nakausap na niya si LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao hinggil sa usapin at hinikayat itong ihinto na ang pakikipag-ugnayan sa kumpanya.

Kasabay nito, iginiit ni Remulla na kumita na umano nang bilyun-bilyong piso ang Stradcom mula sa mga transaksyon nito sa gobyerno. Tinataya niyang maaaring umabot sa higit P15 bilyon hanggang P22 bilyon ang kinita ng kumpanya sa mga nakalipas na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, noong Mayo ay naghain ng dalawang reklamo ang transport group na Coalition 169 laban sa ilang dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng umano’y iligal na pagpapalawig ng kontrata ng Stradcom sa pamahalaan.

Kabilang sa mga inirereklamo sina dating Transportation Secretary Vince Dizon, dating LTO Chief Vigor Mendoza, kasalukuyang Transportation Secretary Giovanni Lopez, at iba pang opisyal ng kagawaran.

Ayon sa mga nagreklamo, dapat nang ipaliwanag ng DOTr kung bakit patuloy pa ring pinapayagan ang Stradcom na magbigay ng IT services sa kabila ng operasyon ng LTMS na pagmamay-ari ng gobyerno.

Iginiit din nila na may mga opisyal na umano’y nabigong tiyakin kung may legal na batayan pa ang patuloy na serbisyo ng Stradcom, na ayon sa kanilang alegasyon ay wala nang sapat na awtorisasyon mula nang ipatupad ang LTMS mahigit isang dekada na ang nakalipas.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang LTO kaugnay sa panawagan ni Remulla at sa mga alegasyong ibinabato laban sa kumpanya.