
Pinagsusumite ng Land Transportation Office o LTO ng paliwanag ang driver at registered owner ng isang itim na Hyundai Elantra na nakitang double-parked at nakaharang sa isang firetruck na rumeresponde sa emergency.
Ayon sa LTO, nahirapang makadaan ang firetruck sa makitid na kalsada at kalaunan ay nakaskas ang pinto ng sedan, na naging sanhi umano ng pagkaantala sa pagtugon sa emergency.
Nakatakdang humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division ang driver at registered owner sa Setyembre 18 upang magsumite ng sworn statements at mga dokumento kaugnay ng umano’y illegal parking at obstruction of traffic.
Inatasan din ng LTO ang driver na agad isuko ang kanyang lisensya, na sasailalim sa 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Naka-alarm status naman ang sasakyan.
Kapag napatunayang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, maaari umanong bawiin ang kanyang driver’s license.










