
Iginiit ni Batangas Representative Gerville Luistro na sapat na ang pagkaka-convict sa kahit isang artikulo ng impeachment upang mapatalsik sa puwesto at tuluyang madiskwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, boboto ang Senado bilang impeachment court sa bawat artikulo matapos maiprisinta ang ebidensya sa apat na reklamo laban kay Duterte, kabilang ang isyu ng confidential funds, panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman, at umano’y pagbabanta.
Sinabi rin ni Luistro na kapag nakakuha ng 16 boto ang isang artikulo, sapat na ito upang mahatulan ang isang impeachable official at maipataw ang parusang perpetual disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Nilinaw din niya na kahit magbitiw umano sa puwesto si Duterte bago matapos ang paglilitis, dapat pa ring ituloy ang impeachment trial dahil nananatiling usapin ang posibleng habambuhay na diskwalipikasyon sa serbisyo publiko.




