
Wala pang tumestigong nagbigay ng pahayag na nag-uugnay kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa umano’y “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan, matapos ang isang linggong tuloy-tuloy na pagdinig sa kanyang bail application sa Sandiganbayan Third Division.
Mula nang magsimula ang mga pagdinig noong Abril 6, 2026, siyam na testigo na ang iniharap ng Office of the Special Prosecutor (OSP) upang tutulan ang aplikasyon ni Revilla para sa bail, ngunit wala ni isa ang nakapagpatunay ng anumang koneksyon ng dating senador sa naturang proyekto. Unang humarap sa prosekusyon si Atty. Ivan Samson, isang imbestigador mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na nanguna sa pagsisiyasat sa umano’y mga iregularidad kaugnay ng flood control project.
Sumunod na tumestigo ang mga inhinyero mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office na sina Engr. Aldous Santos at Engr. Kenneth Fernando upang magbigay ng mga teknikal na detalye tungkol sa proyekto.
Sa isa sa mga pagdinig, naglabas ng subpoena ang korte laban sa ilang opisyal ng DPWH upang linawin ang hindi pagkakatugma ng mga pahayag hinggil sa lokasyon ng proyekto. Ito ay matapos ituro ni Engr. Fernando ang ibang lugar kumpara sa naunang tinukoy nina Atty. Samson at Engr. Santos na kapwa nagsagawa ng inspeksyon.
Ayon pa kay Engr. Fernando, ang lugar na sinuri ng NBI at ni Engr. Santos ay nagpapakita ng tapos na proyekto kaya’t nagdudulot ito ng pagdududa kung ang proyekto ay tunay ngang “ghost.” Ang mga coordinates na nakasaad sa mga opisyal na rekord ay patuloy pang bineberipika.
Noong Abril 8, 2026, tumestigo ang state witness na si Sally Santos ng SYMS Construction na naghatid umano siya ng pera kay dating DPWH engineer Brice Hernandez. Gayunman, inamin niyang hindi niya kilala si Revilla at wala siyang naging anumang transaksyon dito. Upang mapabilis ang pagdinig, nagkasundo ang magkabilang panig na i-stipulate ang testimonya ng ilang testigo, kabilang sina Diana Garcia at Engr. Jay-Ar Amazona ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, Agnes Carlos ng Land Bank of the Philippines Malolos Highway Branch, at Cresencia Sunga ng Department of Budget and Management (DBM). Kinilala ng mga nasabing testigo ang mga dokumentong nasa kanilang pangangalaga ngunit inamin na wala silang personal na kaalaman tungkol sa sinasabing flood control project kaya’t ang kanilang naging papel ay limitado sa pagpapatunay ng mga rekord.
Ayon sa mga abogado ni Revilla, kahit ang mga dokumentong iniharap ng prosekusyon ay hindi rin nagpapakita ng anumang ugnayan ng dating senador sa proyekto, at wala rin umanong pangalan o lagda niya sa alinman sa mga ito. Hindi pa tapos ang presentasyon ng mga testigo ng prosekusyon at inaasahang ihaharap si dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa muling pagdinig sa Abril 17, 2026.
Mayroon pang hanggang Abril 24, 2026 ang OSP upang magpresenta ng ebidensya sa bail proceedings bago magpasya ang korte sa bail application ng dating senador.
Naninindigan ang kampo ni Revilla na mahina ang ebidensya laban sa kanya at kumpiyansa silang papayagan ang kanyang pagpapalaya habang dinidinig ang kaso.









