Ipinaubaya ni Senate President Sherwin Gatchalian sa Sandiganbayan ang pagpapasya kung papayagan sina Senador Rodante Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada na dumalo at makilahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Gatchalian, nasa kustodiya ng Sandiganbayan ang dalawang senador kaya kailangan nilang direktang humingi ng permiso sa korte para makadalo sa mga sesyon ng Senado, kabilang ang impeachment trial.

Nilinaw ng Senate President na hindi ang Senado ang magpapasya sa kanilang pagdalo dahil nasa hurisdiksiyon na sila ng korte.

Sandiganbayan din ang tutukoy kung may sapat na dahilan o justification para payagan sina Marcoleta at Estrada na dumalo sa impeachment proceedings.

Parehong nakakulong sa Quezon City Jail sina Marcoleta at Estrada dahil sa magkahiwalay na non-bailable na kasong plunder.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang naghain si Estrada ng kahilingan sa Sandiganbayan na payagan siyang dumalo sa impeachment trial, ngunit ito ay ibinasura ng korte dahil sa kawalan ng merito.

Samantala, hiniling na rin ni Marcoleta sa pamunuan ng Senado na humanap ng paraan upang makalahok siya at si Estrada sa paglilitis kay Duterte.

Mahalaga ang pagdalo ng dalawang senador dahil kabilang sila sa mga hindi nakakadalo sa impeachment proceedings, na nagbunsod din ng mga tanong tungkol sa bilang ng mga boto na kailangan para sa conviction ng bise presidente.